this economy handa
| | | | | |

[In This Economy] Handa ka na ba sa ‘super El Niño’?

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may 81% posibilidad na maging “very strong” ang El Niño mula Oktubre 2026 hanggang Enero 2027. May 97% posibilidad din na magpatuloy ito hanggang unang kalahati ng 2027.

Ito ang tinatawag na “super El Niño.” Pero forecast o pagtataya ito, at hindi ibig sabihing sabay-sabay na matutuyo ang buong Pilipinas.

Maaari pa ring umulan nang malakas sa kanlurang bahagi habang umiiral ang Habagat. Ngunit ngayon pa lang ay dapat nang paghandaan ang mataas na posibilidad ng kulang na ulan, tagtuyot, at matinding init—lalo na pagpasok ng dry season.

Image from PAGASA, as of August 26, 2026.
Ano ang aasahan?

Ayon sa mga eksperto, unang tatamaan ang agrikultura. Tinataya ng Department of Agriculture (DA) na maaaring bumaba nang 700,000 metric tons, o 3.5%, ang produksyon ng palay kung magkaroon ng malakas na El Niño, kaya maaaring lumiit ang kita ng magsasaka at magmahal ang bigas.

Hindi lang bigas ang problema. Kapag tinamaan ang mais, maaaring magmahal ang feeds, baboy, manok, at itlog. Kapag uminit o bumaba ang tubig sa mga palaisdaan, malalagay rin sa panganib ang mga isda.

Nakita na natin ito kamakailan. Sa huling El Niño event noong 2023 hanggang 2024, umabot sa P15.3 bilyon ang pinsala sa agrikultura, naapektuhan ang 333,195 magsasaka at mangingisda, at nawala ang 784,344 metric tons sa produksyon.

Kaya naman ang El Niño ay hindi lamang usapin ng panahon, kundi isa ring posibleng food inflation shock, o biglaang pagtaas ng presyo ng pagkain dahil kakaunti ang suplay.

Kapag tumaas ang presyo ng pagkain, pinakamabigat ang tama sa mahihirap dahil mas malaking bahagi ng kanilang kita ang napupunta sa pagkain lang. Lumiit din ang nabibili ng suweldo, kaya maaaring magtipid ang mga pamilyang Pilipino sa gamot, pamasahe, at edukasyon.

Puwede ring maapektuhan ang kuryente: tumataas ang paggamit ng bentilador at aircon kapag matindi ang init, habang maaaring humina ang hydropower kapag mababa ang tubig sa mga dam.

Noong 2024, umabot sa mahigit 19,000 megawatts ang peak demand sa kuryente, 11.2% na mas mataas kaysa 2023, na iniugnay ng Department of Energy sa init. Sa isang linggo ng Abril, tumaas nang 47% ang presyo sa agarang bentahan ng kuryente sa Luzon.

Kung mauulit iyan, hindi lang electric bills ang tataas. Asahan ang mas mahal na kuryente at tubig na dagdag-gastos sa mga tindahan, restaurant, pabrika, laundry shop, at iba pang negosyo. Lahat ng ito ay maaaring ipasa sa mga mamimili.

Saan tatama?

May epekto rin sa trabaho at kita. Mas nanganganib sa heat exhaustion o heat stroke ang construction worker, rider, magsasaka, vendor, at iba pang nagtatrabaho outdoors. Kapag pinaikli ang oras ng trabaho para sa kaligtasan, bababa rin ang kita ng maraming tao.

Maaaring magbago rin ang oras ng klase, opisina, at negosyo. Kapag walang pasok ang mga bata dahil sa matinding init, may mga magulang na kailangang lumiban sa trabaho o magbayad ng mag-aalaga.

Kapag kulang naman ang tubig, maaaring magkaroon ng rasyon o takdang oras ng suplay. Magastos ang pagbili ng container, water delivery, at bottled water, habang oras naman ang nawawala sa pagpila at pag-iigib.

Kung sabay na tumaas ang pagkain, kuryente, at tubig, maaaring bumilis ang inflation o pangkalahatang pagtaas ng presyo. Maaari nitong pigilan ang pagbaba ng interest rates o singil sa utang. Sa katunayan, noong August 27, binanggit ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang paparating na El Niño bilang isang dahilan kung bakit nito tinaasan ang “policy rate” nito (o interest rate na siyang basehan ng interes sa mga pautang sa buong bansa). Ginawa nila ito upang awatin ang nakaambang pagsipa ng inflation.

Hindi sanhi ng climate change ang El Niño, na natural na siklo sa karagatan at atmospera. Pero mas mainit na ang mundo ngayon, kaya maaaring lumala ang heat waves at iba pang climate extremes.

Ano ang dapat gawin?

Para sa mga pamilya, ngayon pa lang ay gumawa na ng El Niño budget: maglaan ng dagdag para sa pagkain, tubig, kuryente, at gamot, bumuo ng maliit na emergency fund kung kaya. Iwasang mag-panic buying na lalo lamang nagpapataas ng presyo.

Ayusin ang tumutulong gripo at tubo. Alamin ang water-interruption schedule. Mag-imbak lamang ng sapat sa malinis at may takip na lalagyan. At huwag hayaang pamugaran ng lamok ang nakatenggang tubig.

Magplano rin laban sa init. Ilipat sa mas malamig na oras ang mabibigat na gawain, uminom ng sapat na tubig, at bantayan ang hilo, panghihina, pagsusuka, mainit at mapulang balat, o pagkawala ng malay (heat stroke).

Para sa magsasaka, sundan ang payo ng PAGASA, Department of Agriculture, National Irrigation Administration, at lokal na pamahalaan. Maaaring kailangang baguhin ang cropping calendar, gumamit ng binhing matibay sa tagtuyot at mabilis anihin, mag-ipon ng tubig-ulan, at kumuha ng insurance sa Philippine Crop Insurance Corporation.

Para sa negosyo, maaaring gumawa ng continuity plan. Sino ang alternate supplier, anong oras ligtas magtrabaho, gaano karaming tubig at kuryente ang kailangan, at paano poprotektahan ang manggagawa at mga produktong madaling masira?

Of course, hindi puwedeng ipasa sa mamamayan ang buong responsibilidad. Dapat i-publish ng gobyerno ang contingency plans para sa pagkain, dam, irigasyon, tubig, kuryente, kalusugan, at paaralan. Dapat may public dashboard rin upang makita ng lahat ang kakulangan sa ulan, reservoir levels, crop losses, power reserves, at ayuda.

Magandang binuhay muli ng DA ang Task Force El Niño noong Mayo. Ngunit kailangan pa ring siguruhin na maagang dumating ang binhi, irigasyon, insurance, cash aid, at transparent na plano sa pag-angkat ng pagkain—hindi kapag tuyot na ang bukid at mataas na ang mga presyo.

Para sa marami, mahirap i-imagine ang sobrang init dahil sa walang-tigil na ulan ngayong Agosto. Ngunit ilang buwan lamang ay ibang-iba ang panahon na mararanasan natin.

May ilang buwan pa tayo para maghanda. Gagamitin ba natin ang oras para rito, o sasayangin lang? Oo, hindi natin mapipigil ang El Niño, pero maiiwasan nating lumaki ang pinsalang pang-ekonomiya kung maghahanda ang lahat ng pamilya, negosyo, at gobyerno ngayon pa lang. – Rappler.com

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an associate professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.

His first book, False Nostalgia: The Marcos “Golden Age” Myths and How to Debunk Them, was published by Ateneo de Manila University Press in February 2023. His second book, Twin Plagues: How Duterte and Covid-19 Wrecked the Philippine Economy, was published by Penguin Random House SEA in June 2026. Follow him on Instagram (@jcpunongbayan).

Below are In This Economy pieces you may have missed:

Click here for other In This Economy articles.

Similar Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *