Musika at wikang Filipino: Mga piling awit para sa Buwan ng Wika
Ipinagdiriwang ngayong Agosto ang Buwan ng Wikang Pambansa sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon” na itinakda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Magandang isipin na itinataguyod ng komisyon ang wikang Filipino habang umaangkop sa makabagong teknolohiya at artificial intelligence.
Ngunit tila salungat ito sa masalimuot na kalagayan ng ating edukasyon na patuloy na iginagapos ng mga neoliberal na patakaran ng pamahalaan — mga patakarang pilit na umaangkop sa dikta ng imperyalistang globalisasyon habang ginagawang sanayan ang mga paaralan para sa murang lakas-paggawa ng mga dayuhang korporasyon.
Sa listicle na ito, pakinggan natin ang mga awiting hindi lamang kumikilala sa kagandahan ng ating wika, kundi nagpapahayag din sa mahalagang papel nito sa pagpapalaya ng bayan.
Magsilbi nawa ang mga kantang ito na paalala sa KWF sa tungkulin nitong itaguyod ang wikang pambansa laban sa komersiyalisasyon at kolonyalismo, at sa pamahalaan na isulong ang isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon. Higit sa lahat, magsilbi itong paalala sa ating lahat na mahalin at ipaglaban ang sariling wika.
“Wika,” Tres Marias
Salamat kina Bayang Barrios, Lolita Carbon, at Cooky Chua sa pagpapaalala na mayroon tayong sariling wika — isang katotohanang tila nakakalimutan na ng bagong henerasyon kasabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya. Ang kantang ito ang kaagad pumapasok sa isip tuwing makaririnig ng mga kabataan na mas sanay pang mag-Ingles kaysa Filipino.
Tumitimong linya: “Ang English ‘di naman masama / Huwag lang nating kalimutan ang sariling wika / Ang Filipino ay ating buhayin / At baka hindi lang wika ang malibing.”
“Loob,” Jess Santiago
Isang natatanging awitin, mula sa Puso at Isip album, kung saan mahusay na tinalakay ni Koyang Jess ang lalim at kagandahan ng ating wika bilang salamin ng ating pagkatao at kamalayan.
Tumitimong linya: “Wika ang tulay na tuloy-tuloy / Sa loob ng puso at utak ng Pinoy / Kaya ang wika’y dapat pag-aralan / Kung nais nating magtuloy.”
“Awiting Pilipino,” Mike Hanopol
Kung Pinoy rock naman ang hanap mo, ito ang para sa iyo. Kasimbigat ng bagsakan ng musika ang panawagan at mensahe ng kanta. Tunay na hindi mahihiwalay ang pagsusulong sa wikang Filipino at pagtataguyod sa musikang Pilipino.
Tumitimong linya: “Nasaan ang ating diwa? / Pagmasdan niyo ang mga luha / Nasaan ang pagmamahal? / Pagmamahal sa sariling wika.”
“Ako’y Pinoy,” Florante
Isa sa pinakasikat na awiting Pilipino na naglalahad ng pagmamalaki at pagmamahal sa ating pambansang identidad at wika. Inilabas bilang single noong 1977, mula noon ay naging staple na ang kanta sa mga paaralan ang kantang ito tuwing Buwan ng Wika.
Tumitimong linya: “Wikang pambansa ang gamit kong salita / Bayan kong sinilangan, hangad kong lagi ang kalayaan.”
“Paaralan,” Heber Bartolome
Mula sa album na Tatlong Kahit, Isang Tuka at tampok din sa compilation album na Karapatang Pantao, hayagang pinupuna ng kantang ito ang pagiging kolonyal at komersiyalisado ng ating sistema ng edukasyon — mga balakid na patuloy na sumasagka sa tunay na pag-unlad ng bansa.
Tumitimong linya: “Ang sistema ng edukasyon, kailan magbabago? / Kailan ka lalaya sa kolonyal na isip mo?”
“Komersiyalisadong Edukasyon,” Ruben Papillero
Katulad ng “Paaralan,” binabatikos nito ang komersiyalisasyon ng edukasyon sa bansa, kung saan ang mahihirap at marginalized na sektor ang palaging pinakaapektado.
Tumitimong linya: “Ngayon sa ating bayan, sa ating panahon / Komersiyalisado ang ating edukasyon.”
“Speak in English Zone,” Joel Malabanan
Isang komprehensibong pagtalakay sa kasaysayan ng American colonial education — mula nang sakupin ng Estados Unidos ang bansa hanggang sa kasalukuyang malakolonyal na estado ng ating lipunan. Hindi tulad ng hungkag na “lip service” ng ilang pulitiko gaya ni Senador Robin Padilla, na umaastang makabayan sa paggamit ng wikang Filipino, ang kantang ito ay nakaugnay sa pakikibaka para sa tunay na demokrasya at kalayaan.
Tumitimong linya: “Sariling wika ang siyang magpapalaya / Sa sambayanang gapos ng tanikala!”
– Rappler.com
Si Daniel Aloc ay isang senior associate sa isang institusyong pinansyal at isang freelance writer na sumusulat tungkol sa mga isyung panlipunan at komentaryong kultural.