tambay goal nina
| | |

[Tambay] Goal nina Robin at Imee, guluhin, lituhin tayo sa impeachment trial

Laking abala nitong habagat. Hindi tuloy nakapagpulong ang komité ng mga henyo ng lansangan. Palibhasa, takot maulanan ang mga tanders. Bukod doon, panáy lo-tech ang mga miyémbro ng grupong maghápon magkuwentúhan. Karamihan mga walang kamuwang-muwang sa online meetings. 

Sabagay, kahit ‘yung paborítong topic naming mga tambay
— ‘yung mga nagaganap sa pagdinig sa impeachment ni Vice President Sara Duterte
— naguló ang iskédyul dahil sa habagat. Sinuspindé ng Senado ang Day 14 dahil sa epekto ng lagpas dalawang linggóng pag-ulán.

Totoo namang makasaysayan iyang impeachment hearing ni Vice President. Opkors, kailangang updated ka rito dahil kinabukasan ng bansa natin ang nakasalalay. Ano ba ang ibinibintang kay VP Sara, at ano ang sagot niya dito? Dapat ba siyang alisin sa puwesto? ‘Pag nailahad ang lahat ng ebidensya, nailabas ang mga dokumentong susuporta rito, at mapanood ang buong video ng pagmumura at pagbabanta niyang pumatay, tingin ba natin karapat-dapat pa siyang maging pangulo ng Pilipinas? ‘Yan ang ating inaalam dito.

BASAHIN DIN SA RAPPLER

Marami ring matututuhan sa balitaktákan ng mga abogado, mga saksi, at mga senador tuwing mayroón impeachment hearing. (Mag-subscribe sa YouTube channel ng Rappler para sa live stream, panel discussions, at recaps ng impeachment trial.)

Pero, sasabihin ko nga kapag humupa na ang habagat at magkita mulî kaming nasa grupo ng maghápon kung magkuwentúhan, na aminin na namin, nakalilibang din ang mapanood ang naka-costume pang senator-judges. Tuwing may senador na nagtatanong para humingi ng paglilinaw, may pagkakataon na tayong mga karaniwang mamamayan na makita sila “in action.” Okay lang maging judgmental sa mga senador — sa milyon-pisong suwéldo nila napupunta ang kinakaltas sa ating buwís.

Itong nakaraang linggo, ang dininig sa impeachment ni VP Sara ay ang kásong diumanó’y paglustay niya ng confidential and intelligence funds. Ang nakasalang na testigo ay si state auditor Xylene del Campo ng Commission on Audit (COA). 

Ang bahagi ng impeachment hearing para sa pagtatanong ng mga senator-judges ay para malinawagan sila o kaya’y maliwanagan ang mga manonood. Mahalagang maliwanagan ang mga senador kasi sila ang hahatol kung guilty or not guilty si Vice President sa mga bintang sa kanya.

Karamihan sa kanila, kitang kita na gustong malinawan. Pero may mangilan-ngilan na, ang sa tingin ko, ay may ibang pakay. Tulad nila Senador Robinhood Padilla at Imee Marcos

Noong Day 15, tila ang pakay nila ay basagin ang kredibilidad ng saksing auditor.

Si Marcos ang huling senador na nagtanong. Sabi niya, sa pagkakaintindi niya ang sinusuri nina Del Campo na taga-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng COA ay pawang mga dokumento lamang, dahil post-audit ang trabaho nila. Pero, tanong ni Imee, bakit ginamit ng COA ang mga detalyeng hango sa hearing ng House of Representatives committee of good government?

Sagot ni Del Campo, ang mga sinabi sa House committee ay narinig niya mismo, at ito ay relevant information. Pakutyang balik ni Senator Imee: “P’wede kahit anong dokumento? Humingi ka ba ang affidavit sa Congress?” 

Pero kung nakinig mabuti ang senadora, unang-una, nandoon sa hearing sa Kamara si Del Carmen at narinig niya mismo ‘yung comments na ginamit niya sa report nila. Ikalawa, mali ang sinabi ni Imee na puwéde naman pala kahit anong relevant material. Salungat ito sa sinabi ng saksi.

Nakaligtaan ng senadora na ang mga impormasyon na galing sa mga congressional hearing ay mula sa mga saksi o kaya’y mga resource person na nanunumpa muna bago tumestigo. ‘Ika nga, nakataas ang kanang kamay, at sasabihin nila: “Sumusumpa ako na sasabihin ko ang katotohanan, ang buong katotohanan, at walang iba kundi ang katotohanan.” 

Kay Senador Robinhood, ang nakayáyamót naman ay ang kanyang pagiging consistent sa malalabong pagtatanong. Sa halip na magbigay-linaw, dalawang bagay ang nangyayari kapag si Padilla ang nagsasalita sa impeachment hearing. Isa, lumalabo nang lumalabo ang usapan. Ikalawa, lumalayo nang lumalayo sa paksa ng impeachment dahil walang kinalaman sa kasong nililitis ang pinagsasabi ng senador.

May ilang komentarista na ang kumaliskis sa estilong ito ni Senator Robin. Narinig ko sa radyo si Arnold Clavio na sinabing, ayon sa isang kakilala niyang psychologist, si Padilla ay textbook case ng Dunning-Kruger effect. Hinanap ko tuloy ibig sabihin nitong Dunning-Kruger effect. Sabi ng Merriam-Webster: “In popular, mainstream usage, Dunning-Kruger effect typically refers to the tendency of individuals with little or no expertise to overestimate their abilities and competence.”

Dagdag pa ng diksiyonaryo ang isinulat nina Dan Pilat and Sekoul Krastev: “The Dunning-Kruger effect is especially prominent in politics. Politicians who overestimate their expertise on complicated matters might push for overly simplistic solutions or ignore expert advice, leading to ineffective or harmful policies.” 

Ito rin ang sinabi ng Amerikanong astrophysicist na si Neil deGrasse Tyson tungkol sa effect na iyon.

Ang hilig pa kasi ni Senator Padilla na umpisahan ang kanyang mga tanong ng: “Alam mo ba, Madam Witness…?” O kaya, babato siya ng mga detalye at numerong siya lang nakakaalam, at natural lang na walang alam ang tinatanong niya. 

Sabi rin ni Winston Casio, isang educator na nanungkulan din sa law enforcement, ang pagtatanong ni Senator Robinhood sa mga saksi ay halimbawa ng logical fallacy na “argumentum ad ignorantiam” o appeal to ignorance. Halimbawa nito, sabi ni Casio, ay ‘yung linya ni Padilla na nasusupil ang terorismo dahil sa confidential at intelligence funds ni VP Sara.

Isa pang baluktot na pangangatuwiran daw ni Padilla ay ‘yung “argumentum elenchi” o ignorance of the conclusion to be proved. Sa kaso ni Padilla, ang sabi niya, base raw sa report ng Armed Forces of the Philippines, nabuwag na ang mga guerrilla. At iyan daw ay “success” ng Office of the Vice President at Department of Education noong panunungkulan ni VP Sara.

Napapa-research tuloy ako para maintindihan ang mga bagong ideyá na naglalarawan ng mga kakaibang pinaggagagawa ni Senator Robinhood tuwing impeachment hearing. Kaya kung tutuusin, lumalabas pang may utang na loob tuloy ako kay Robin. – Rappler.com

Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

Similar Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *