tambay dami sinasabi
| | |

[Tambay] Sa dami ng sinasabi, walang nasasagot si Sara Duterte

Kapansín-pansín na medyo dumadalas ang social media posts ni Vice President Sara Duterte. At ang dalawa sa latest niyang post ay ‘yung interviews habang nasa The Hague siya, kung saan nakakulong at nililitis ng International Criminal Court ang kasong crimes against humanity ng kanyang tatay na si dating pangulong Rodrigo Duterte. 

Nga pala, kasagsagán ng impeachment hearing niya sa Senado, itinaon ni VP Sara ang bumiyahe sa limang bansa. Nagpaalam siya at inaprubahan naman ng Malacañang ang kanyang lakad sa Qatar, Germany, the United Kingdom, Northern Ireland, at sa The Netherlands. Lahat ng kawani ng gobyerno ay obligadong kumuha ng travel permit mapa-opisyal o personal man ang pangingibang bansa.

Palibhasa medyo nakakaantok ang Day 10 ng impeachment hearing ni VP noong Miyerkules, Hulyo 29, mas natuunán ng pansin ng mga kakomité kong mga henyo ng lansangan ang mga video ng mailap na Vice President.

Sabi ng isang mapagdudang miyembro namin, talagang timing ‘yan ni Madam Duterte. Bukod sa pinalalakas niya ang loob ng mga tagasuporta niyang OFW, nagpaparamdam din siya sa mga na’ndito sa ‘Pinas. Marami sa mga overseas Pinoy ang bilib kay VP. Sa nakaraang video ng mga grupo nila sa The Hague, kahit karton lang ng kanilang Tatay Digong ay pinagkakaingatan nila. Nagpapa-selfie pa sila kasama ang karton na tatay nila. Patuksong tinatawag tuloy sila ng mga kalabang grupo na “Karton Network.”

Lutang tungkol sa mga isyu ng bayan

Pero kung sinasadya ito ni VP, bakit parang hindi pinag-iisipan ‘yung mga post niya?

Oo nga, nagsingit ng opinyon ang sumang-ayon na magtataho. Napanood daw niya sa Facebook ‘yung hindi makasagot si Inday Sara sa isang isyu. “Sabagay, kahit ako, hindi ko alam yun.”  

Gets naman namin kung blangko ka tungkol sa Pax Silica, sagot ng tambay na ito kay Manong Magtataho. Pero ang Bise Presidente?

Kaya mapapaisip ka: Bakit pa ‘yun ang itinanong sa kanya? At bakit din ang interview na ‘yun ang ipinalabas niya sa social media? Halatang-halata tuloy na first time ni VP marinig ‘yung salitang iyon na binigkas niyang “Fox Silica.” ‘Ika nga nung mataray na retired teacher sa grupo, dapat daw may nagsabi kay Ma’am Inday na nagmukhang “Silly ka.” 

Pinangalandákan mong gusto mong mag-presidente ng Pilipinas, pero pagdating sa mga isyung tungkol sa bayan ay lutáng ka?

Must Read

‘Fox Silica’? Presidential aspirant Sara Duterte has no clue what Pax Silica is


‘Fox Silica’? Presidential aspirant Sara Duterte has no clue what Pax Silica is

Mayroón pang isang video ni Inday Sara nagsasalita siya sa mga tagasuporta niya sa The Hague. Tawagp-pansin ‘yung nasabi niyang sa Pilipinas daw, sa halagang P5,000 lang ay maaari kang umupa ng papatay sa isang tao. Ang ginamit pa niyang halimbawa ay kapag mahuli niyang may kaapíd ang kanyang asawa, sa halagang P5,000 makakahanap siya ng papatay sa kalaguyò o mistress ng mister niya.

Nung nabanggit itong speech ni Inday na ito sa umpukan ng grupong maghápon magkuwentúhan, halos magkakasabáy ang batúhan ng opinyon. Sabi ko: “Bakit kaya ang nasabi ni Inday Sara ay ang kerída ang ipapatay at hindi ‘yung asawa?” Katuwíran ko kasi: “Eh uulit at uulit lang si Pare. Eh di panay-panay siyang magbabayad ng upáhan na mámamátay-táo tuwing mangaliwâ si Pare.” 

Kaya pala nasabi iyon ni VP, dalawang bagay ang ipinupunto niya. Una, ganoon katalamák ang patayan sa Pilipinas, maliit na halaga lang ay may mauupahan kang pumatay ng tao. Ikalawa, dahil nga raw grabe ang sitwasyon ng gun violence ngayon sa Pilipinas, marahil ‘yun ang dahilan kaya napapatay ang mga tao at hindi dahil sa drug war ng tatay niyang si dating Pangulong Duterte.

“Bakit kaya ang dalas mabanggit ang patayan sa mga speech ni Inday Sara?” napansin ng retired teacher na kasapi ng grupong nag-uubos lang ng oras. “Di ba sa impeachment, pinalabas nga ulit ‘yung video ng pagmumura niya? At saka ‘yung meron na raw siyang nakuhang papatay sa Pangulo? ‘Yung mga kapatid niyang lalaki ganyan din ang bukáng-bibíg — patayan, papatayin, ipapapatay. Tatak ba ‘yan ng pamilya Duterte?” 

Doon naman sa nasabi ni Bise Presidente na ang malalâng gun violence daw ang dapat sisihin sa patayan, sabi ni Manong Magtataho, mas grábe ang patayan nung panahon ng drug war. Si Manong pala ay nagtitinda ng taho sa umaga, nagpapahinga sa hapon, at sa gabi ay naglalakò ng balot. Noong kasagsagán ng drug war ni matandang Duterte, lagi raw may nakikita si Manong na mga nakahandusay na patay sa mga kalsada. Sa takot niyang mapagkamalan, huminto muna siya sa pagbabalot.

Pero ngayon, madalang kung meron man daw siyang nakakatagpong bangkay sa kalye.

Sang-áyon ako kay Manong. Nakatatak pa sa isip ko ‘yung panahon na bagong upo pa lang si Ginoong Duterte, isang editor naman ang tambay na ito. Araw-araw, 10 o higit pa ang napapatay, kuwento ng mga reporter. May mga larawan at video pa. Sa dami ng napapatay nung panahong iyon, kinapos ng kabaong ang mga punerarya.

Marami pang sinabi si Inday Sara sa mga tagasunod niya sa The Hague nung araw na iyon. Pero ‘yung isyu ng patayan ang nagpasiklab ng usapan sa umpukan.

Must Read

[Pastilan] Politics of knowing nothing: What’s inside Sara Duterte’s brain?


[Pastilan] Politics of knowing nothing: What’s inside Sara Duterte’s brain?

Makikilala na ba si Mary Grace Piatos?

“Patikim pa lang” ang Day 10 ng impeachment hearing ni Vice President Duterte, sabi ni Manila Representative Joel Chua, ang lead prosecutor sa usapin tungkol sa misuse ng confidential and intelligence funds.

Sa isang karaniwang tao tulad ng tambay na ito, malamya ang testimonya ng mga dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LBP). Meron din akong pagtataka, pero bago ko ikuwénto, ito muna ‘yung lumiwanag sa tambay na ito nung mapakinggan ko ang press conference ng prosecution team.

Nilinaw ni head ng prosecution at Batangas Representative Gerville Luistro na sa Day 10 inumpisahan ang pagdinig ng Article 1 ng articles of impeachment laban kay VP Sara. Sabi ni Luistro, ang kanilang ipapakita ay kung ang confidential and intelligence funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education ay “nagamit ba ng tama, nawala ba, tama ba ‘yung mga requirements for purpose of liquidation (was there misuse, misappropriation, and irregular liquidation of confidential and intelligence funds).”

Doon sa pagdinig, napakinggan ko ang pinunteryá ni Senator Raffy Tulfo noong tinatanong niya si retired LBP Department of Education branch manager Nenita Camposano kung anong dokumento ang isinumite nung nagpakilalang DepEd Special Disbursing Officer na si Edward Fajarda bago siya pinag-encash ng tatlong tseke (tig-P37 million bawat cheke) sa iba-ibang date. “Wala po,” sabi Camposano, hindi sila humingi ng papeles para patunayan ang katungkulan ni Fajarda. Napa-WOW si Tulfo. 

Pero, bagamá’t milyones ang mga encashment na ito, nakapangalan ang mga tseke kay Fajarda as payee. Sabi ng branch manager, maayos ang identification papers. Tama si Senator Raffy na dapat nagpresenta rin ng papeles si Fajarda. Pero sa pagkakaalam ko, base lang sa karanasan ko, obligado ang mga bangko na ibigay sa payee o sa taong nakapangalan sa tseke ang pera na for encashment. Kaya sa opinyon ko, sumunod sa procedure si bank manager.

Ang problema rito, sa pakiwarì ng mapagduda kong isip, ay bakit for encashment ang milyones. Kadalasan kapag malalaking halaga, “for deposit” ang mga tseke. Sabi rin nung dalawang testigo na ex-branch managers ng LBP, ngayon kasi online na ang mga transaction. For monitoring and recording purposes, mas mabilis at mas madali ang online transactions. Kung ipambabayad, puwede ang mga e-wallet; kung ipamamahagi ang pera, sa e-wallet pa din. 

Sabi sa akin nung isa kong kausap: “Alam mo bakit hindi gumamit ng online facilities? May paper trail diyan. Lahat naka-record — magkano at kanino mapupunta ang pera.” Dahil na-encash ang milyones, kailangan ngayon ng mga resibo. Kahit daw confidential at intelligence funds ‘yan, subject pa rin iyan for liquidation.

Malamang, sa susunod na mga araw ng impeachment hearings, magpapaliwanag sina VP Sara sa mga ginawa nilang liquidation ng milyones. At pagdating sa ganyang usapin, baka marinig na natin sa wakas ang tanong at pati ang sagot sa “Will the real Mary Grace Piattos please stand up?” – Rappler.com

Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

Similar Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *