[EDITORIAL] Ang patlang sa retoriko at realidad ni Pangulong Marcos
Sa pagharap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara upang i-deliver ang kanyang State of the Nation Address ngayong 2026, walang red carpet o celebrity director. Ayon sa spin ng Malacañang, ito’y magiging “simple but dignified.” Pakikiisa raw ito sa sambayanang naka-survival mode sa harap ng oil price hikes, inflation, at global instability.

Pero hindi lang payak ang entablado — payak din ang rekord. Nasaan ang optimismo tulad ng mga starter years, lalo na’t dalawang taon na lang sa puwesto si Marcos?
Kailan nagiging irrelevant o walang patutunguhan ang State of the Nation Address ng isang presidente? We might argue, sa penultimate year, o ang taon bago ang katapusan, dahil lame duck na ang presidente.
Pero may ibang panlulumo na kaakibat ngayong taon: 41 lamang ang naipasa sa 102 na pet bills ni Ginoong Marcos, kabilang na ang mga tinaguriang centerpiece legislation ng mga nakaraang taon.
Sa nakaraang taon, tila pumara ang legislative engine, na kung saan isa lamang sa 52 priority bills ang naisabatas. Maraming mga sangkap ang slowdown — kasama na ang kawalan ng estabilidad sa Senado.
Hindi na tayo magpapaligoy-ligoy pa — ito ang paglalagom namin sa nakaraaang taon: missed opportunities, institutional paralysis, at systemic erosion ng public trust.
Isang taon ang nakalipas, humarap ang Pangulo sa taumbayan at sinabing, “Mahiya naman kayo.” Siya ang nagsimula ng domino effect na dumagundong sa lahat ng sulok ng bansa dahil naging mitsa ito ng pagkakahalungkat ng engrandeng sabwatan. Sangkot sa corruption conspiracy ang mga kongresista at senador, mga ahensiya ng gobyerno tulad ng public works, at pati state auditors. Ito ang nagbuyangyang sa politicontractors — congressmen na nagmamay-ari o may interes sa contractor companies na yumayaman sa biyaya ng substandard o ghost public works.
Pero isang taon ang nakalipas, tila ampaw ang mga nagawa — maliban sa pagtugis sa nagtatagong Zaldy Co, pag-aalis sa puwesto ni Martin Romualdez bilang House speaker, at pagkakakulong ng isang senador, kahit anong timbang ang gawin, tila kulang. May senador pa ngang damay ang pangalan pero tila nakapaglalabada na ng reputasyon sa impeachment trial.
Lagpas sa mga kasong isinampa, ano ang konkretong hakbang na magbibigay ng senyales na natigil na ang pagtagas ng yaman ng national treasury dahil sa korupsiyon — na tinatantiyang umabot ng P8.8 trillion?
Sa pagsadsad ng trust rating ng Pangulo makikita ang kuwento ng credibility crisis niya. Kitang-kita ang patlang sa retoriko at realidad.
Sa pagdedeliver ng pangalawa sa huling SONA, ang hamon sa administrasyon ay patunayang humihinga pa ito at hindi naka-ICU — at kaya pang tumugon sa business ng governance.
Pinakamalaki diyan ang pagtitiyak na may mapapala ang bayan sa impeachment trial ng kanyang kalaban sa pulitikang si Vice President Sara Duterte. Isang prosesong politikal ang impeachment. Habang ang naratibo ng Malacañang ay “above the fray,” kailangan ding ipamukha ni Marcos ang kanyang liderato, lalo na ang pagpapakita na hindi niya palalampasin ang korupsiyon, hindi sa Bise Presidente, at hindi sa kaibigan at kakampi. At higit sa lahat hindi niya palalampasin ang umano’y korupsiyon ng pinsan — lalo na’t tinagurian na si Romualdez ng Ombudsman na “central figure” sa flood control corruption.
Dapat maintindihan ng Pangulo na neutrality is not a virtue, at maari pang tanawin bilang dereliction of duty.
Alam ni Marcos na hindi naman pet bills ang labanan — ang hanap ng tao’y konting dagdag na panggastos sa bulsa, hustisyang ramdam sa mga korte, at isang lider na maaasahang drayber sa matinding krisis.
Nagsasara na ang bintana ng legacy-building, Ginoong Marcos. – Rappler.com